Sunday, April 25, 2010

Yakuza

Nakakalungkot isipin, na sa panohong ito, meron pa ring mga Yakuza.

Kani-kanina lang, muli na namang nagpakilala ang Japan sa akin ng kanyang kakaibang anyo. Habang kami ay namamahagi ng curry rice sa mga homeless sa subway sa Kannai, isang galit na galit na lalaki ang tumungo sa amin, nagtatanong kung sino ang aming pinuno. Sinabi sa kanya ng isa naming kasamahang hapon na sya ay nasa itaas, at kung gusto nyang kausapin ay umakyat sya sa taas. Malumanay at walang pagtataas ng boses, subalit ang galit na galit na mama ay patuloy na sumisigaw. Di ko naiintindihan ang sinasabi nya pero isa lang ang malinaw, gusto nya ng gulo. Sinipa nya ang lalagyan ng mainit na miso soup at tumalsik sa katawan ng hapong aming kasama.

Nakakatakot, na sa ganuong gawain, na ang tanging hangad ay makatulong, may ilang mga tao na hindi makapangunawa. Nasabi ng galit na hapon na pinapalala lamang namin ang sitwasyon ng mga taong iyon. Na tinuturuan lamang namin silang maging tamad.

Oo, may katwiran sya, pero sa ganuong paraan nya ba dapat iparating iyon?

Nakakasagabal daw kami sa daanan.

Hindi bat mas nakakasagabal sa daan yung mga kartong nakahilera buong magdamag duon na syang tinutulugan nila kesa sa ilang minuto naming pamamalagi duon para mamigay ng pagkain?

Nakakatakot na sa ganitong mga pagkakataon, may mga taong handang gumawa ng gulo. Nakakatakot na sa kabila ng kaunlaran ng bansang ito, namamayani pa din ang pananakot. Na sa kabila ng dami ng tao na naroon sa lugar na iyon, wala man lang umawat. Na sa kabila ng pagmamagandang loob ay ang mga paratang ng kasamaan.

Akala ko'y ligtas ang mga tao dito. Akala ko'y payapa ang bansang ito. Akala ko.....

Muli, kakaibang Japan ang nagpakilala. Ang Japan na bayolente. Ang Japan na takot. Ang Japan na hindi ligtas.

Naniniwala akong magpapakilala pa rin sa akin ang Japan na kabaligtaran ng pagpapakilala nya sa akin ngayong gabi.  Naniniwala ako.....

No comments:

Post a Comment